Nanawagan ang isang kongresista para sa pagsasabatas ng “Batang Magaling” Act na naglalayong palakasin ang employability at competitiveness ng mga mag-aaral ng Senior High School (SHS) kapag natapos ang K to 12 Basic Education curriculum.
Sinabi ni Las Piñas Rep. Camille Villar, sa pamamagitan ng House Bill No. 9808, magagarantiya na ang mga nagtapos sa SHS na may kinakailangang kaalaman, pagsasanay, at kasanayan na makakatulong para makakuha ng trabaho sa publiko man o pribadong sektor.
“This bill seeks to reinforce the K to 12 program objective by ensuring that SHS graduates are equipped with the knowledge, training, and skills demanded in the labor market, whether they have chosen the higher education, middle-level skills development, employment, or entrepreneurship exit, thereby enhancing their employability and competitiveness in the workforce,” sabi ni Villar.
Sa panukala, bubuo ng Batang Magaling National and Local Councils upang magsilbing mekanismo para sa aktibong pakikipagtulungan at makabuluhang komunikasyon para sa pagbibigay ng impormasyon sa mga education institutions para sa pag-update at pag-align ng mga handog sa kurikulum at ang bahagi ng work immersion ng programa ng SHS sa mga pangangailangan sa merkado na tinukoy ng mga kasosyo sa industriya at mga ahensya ng gobyerno.
Bubuuin ang Batang Magaling National Council ng Department of Education (DepEd), ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), ng Department of Labor and Employment (DOLE), at tatlong national industry partners, isa na ang national labor group, ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP).
At ang local Batang Magaling Councils ay itatayo sa mga probinsya, syudad, at municipal levels na bubuuin ng provincial, city o municipal local school boards (LSBs), ng Public Employment Service Office (PESO), at dalawang industry partners sa bawat lokal, kinatawan ng provincial TESDA office, at local employee organization o association.
Ang mga lokal na konseho ay inaatasan sa ilalim ng iminungkahing panukalang batas na magsagawa ng mga pag-aaral sa demand sa merkado ng paggawa kada tatlong taon.
Ang mga resulta nito ay magsisilbing batayan para sa pagpapabuti ng work immersion component ng SHS program at para sa paglikha ng Batang Magaling roadmap, na naglalayong ihanay ang mga track at strands ng K to 12 Basic Education curriculum sa ilalim ng RA 10533, o ang Enhanced Basic Education Act of 2013.
“The government must make sure that SHS students are ready for employment when they finish the K to 12 program. It is imperative that we arm them the commensurate knowledge and skills that would make them employable and competitive. This proposed bill is aimed at doing exactly that,” pahayag pa ni Villar.