Mahigit isang dekada na ang friendship nina Mariel Rodriguez-Padilla, at Las Piñas Rep. Camille Villar. Nagsimula nga ‘yon noong magsama sila sa isang noontime show.
At mula nga noon, hindi na sila nagkahiwalay, at madalas na nga silang magka-chika.
“We’re very-very good friends. Until now, nagkikita pa rin kami.
“Mariel is a ‘god-mom’ of my kids, so we still see each other a lot. ‘Yung friendship na sinimulan namin 12 years ago, is even stronger now.
“Before nung naghu-host pa kami, our lives were different then. Now we’re moms, and we have a lot of things to share. And I’m just very happy na magkakaibigan pa rin kami ngayon, even closer friends talaga!” sabi ni Rep. Camille.
Iba na rin siyempre ang pinag-uusapan nila ngayon, na tungkol sa kanilang mga anak, sila bilang mga nanay, at kung ano-anong mga pagkain ang mga paborito nila ngayon, at kung ano na ang buhay nila ngayon.
So, hindi na ba talaga sila puwedeng magsama sa telebisyon bilang mga host?
“Never say never! Hindi lang talaga ako marunong umarte, kumanta o sumayaw. At siyempre, kailangan pumayat tayo. Hahahaha! But again, with anything, never say never!” sabi pa rin niya.
Anyway, excited nga si Rep. Camille sa partnership ng Advanced Media Broadcasting System (AMBS) at ABS-CBN Corporation. Nagsimula na ngang mapanood sa AllTV ang TV Patrol, at iba pang mga classic na teleserye noon.
Umaasam din sila na may mga bagong teleserye na ipoprodyus ang Kapamilya na sa AllTV mapapanood. Magkakaroon din kaya ng noontime show ang AllTV?
“Hindi ko pa alam, eh. Kung ano pa lang ang na-announce, `yun pa lang, eh,” sabi ni Camille.
Anyway, nag-akda nga pala si Camille ng dalawang panukala sa House of Representatives para sa karagdagang social safety nets para sa mga peryodista at seed fund na magbibigay sa local movie industry ng pondong pamprodyus ng world-class films.
Sa panukalang House Bill No. 6543, hangad ni Villar na bigyan ng “disability, health, and hospitalization benefits” ang mga practicing journalist.
Minamandato ng panukala ang Social Security System at ang Government Service Insurance System na lumikha ng special coverage para sa freelance journalists, lalo na sa mga naka-assign sa war zones, conflict-stricken areas, at calamity-affected places.
“Mahalagang pangalagaan ang mga mamamahayag, lalo na ‘yung mga naka-assign sa mga delikadong lugar. Itinataya nila ang kanilang buhay para makapagbigay ng napapanahong balita para sa mga Pilipino kung kaya’t nararapat lamang na bigyan natin sila ng proteksyon at dagdag na benepisyo para sa kanilang sakripisyo,” sabi ni Rep. Villar.
Nagpasa rin si Rep. Villar ng House Resolution No. 451 na bubuo ng “seed fund o karagdagang pondo sa local movie industry para maengganyo ang filmmakers makagawa ng quality films na pwedeng ilaban sa international arena.
Sa nasabing proposed legislation, bibigyan pamahalaan ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) ng pondong susuporta sa industry stakeholders para bumuo ng bagong marketing strategies para mas patindiin ang tsansa ng Pilipinas na muling kilalanin sa international film festivals.
“Makakuha man lang ng nomination, o manalo, o masali sa shortlist ng foreign award-giving bodies tulad ng prestihiyosong Oscars ay lalong magpapatibay sa reputasyon ng Pilipinas bilang bansa ng world-class talents at quality movies, na magbubukas ng dagdag na employment at livelihood para sa mga Filipino,” saad pa niya.
Parehong nakapending ang dalawang panukala sa committee level.